Republika ng Pilipinas
Pamantasan ng Bikol
PAARALANG GRADWADO
Kolehiyo ng Arte at Letra
Lungsod ng Legazpi
PANUKALANG KONSEPTONG PAPEL SA PANANALIKSIK
Mungkahing pamagat: Ugnayan ng Morpolohikal na Adaptasyon sa Panghihiram ng
mga Salitang English sa Berbal na Diskurso ng mga Mag-aaral at Paggamit ng Social
Media
Larang ng Pananaliksik: Kayarian ng Wika
Kaligirang Teoretikal
Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, ang pag-usbong ng mga social media
platform na patuloy na humihikayat sa atensyon ng maraming tao. Pangunahing layunin
ng mga ito ang pag-ugnayin ang mga tao at magbigay-aliw. Sa pag-usad ng panahon,
patuloy na nababawasan ang puwang na naghihiwalay sa mga tao sa iba’t ibang panig
ng daigdig bunsod ng lokasyon at kutural na pagkakaiba-iba. Ang mga social media ay
isang paraan sa paglalapit sa mga tao sa kabila ng pisikal na distansya.
Ang anyo ng komunikasyon nakukuha sa paggamit ng social media ay
nagbibigay ng maraming oportunidad maging sa mga kumpanya at indibidwal na
magkaroon ng maramihang manonood at tagatangkilik. (Rogers, 2019). Ayon sap ag-
aaral ni Smith (2019) noong Enero 2019, sa 7.7 bilyong tao sa mundo , 3.397 ang
aktibong gumagamit ng social media.
Mayroong malinaw at tuwirang gamit ang social media sa pagninegosyo kung
saan ipinagbibili ang mga produkto o serbisyo at naghahanap ng paraan upang ipakilala
ang kanilang brand. (Rogers, 2019). Ayon kina Slim at Hafedh (w.p) ang mga
application katulad ng Facebook, Twitter, YouTube, at WhatsApp ay nagpapalakas ng
inetraksyong sosyal at pagpapalitan ng imposmasyon sa pagitan ng mga mag-aaral at
komunidad ng mga guro.
Ang facebook ay ang nangungunang platform na gamitin ng mga tao. Ayon sa
Business of Apps (2021), umabot na sa 2.8 bilyong tao ang aktibong gumagamit ng
facebook buwan-buwan nito lamang katapusan ng taong 2020. Ang ideya ng
teknolohikal na paraan ng pakikipag-ugnayan ay ang ugat ng pagkakalikha sa
Facebook. 500,000 bagong account bawat araw ang naidadagdag na katumbas ng 6
na profile bawat segundo. (Smith 2019).
Ang Pilipinas ay ikaanim sa mga bansang may pinakamaraming gumagamit ng
facebook. Ayon sa Deloitte survey, natuklasang para sa karamihang gumagamit ng
smartphone, unang ginagawa nila sa umaga ay ang buksan ang kanilang social media
application. Hindi maikakaila na higit na dumami ang mga taong gumagamit ng social
media partikular na ang facebook at tumaas ang bilang ng oras na inilalaan para sa
mga ito nang sumailalim sa lockdown ang maraming bansa bunsod ng covid-19.
Nananatili itong pinakasikat na social network kung 71 % ng gumagamit ng internet ay
gumagamit ng facebook. (Balakrishnan & Lay, 2016)
Ang patuloy na pagtangkilik ng mga tao at pagpapaunlad na ginagawa ng mga
developer ay nagbunsod sa pagkakabuo ng isang komunidad. Tinatawag na netizen
ang mga taong gumagamit ng social media. Nagiging daan ang facebook para
mapasaya ang mga netizen at mapadali ang mga gawain katulad ng paghahanap ng
kaibigan, kasintahan at pagbili ng mga pangangailangan katulad ng pagkain at gamit.
Nagkakaroon
ng ugnayan ang mga tao sa facebook hindi lamang sa pakikipag-usap sa chat, maging
sa mga kalakalan ng mga produkto, kaisipan, puna at saloobin sa mga tinatangkilik na
videos, larawan, at post na tila ba isa ngang komunidad.
Sa social media, English ang ginagamit na wika sa mismong mga application
bagamat maaaring piliin ng mga gumagamit nito ang bersyong nasa sariling wika. Ang
ganitong pagpapasya ng mga Pilipino sa paggamit ng social media ay maaaring
ipaliwanag ng pahayag nina Dashti, F. at Dashti, A. (2017) na ang English ay ang wika
sa kalakalan, teknolohiya, fashion, at lalong-lalo na sa kasikatan.
Sa kabilang banda, hindi maikakaila na sa pag-usbong ng isang birtuwal na
komunidad, unti-unti na ring umuusbong ang mga salitang produkto ng interaksyon ng
mga wika. Bahagi na nga ng pang-araw-araw na buhay ng karamihan sa mga Pilipino
ang paggamit ng social media kaya hindi maitatangging nakatatak na sa kanilang isipan
ang mga salitang makikita sa application na ito at ang mga bagay na maaari nilang
gawin habang ginagamit ito katulad ng pag-follow, pag-post, pag-add friend, pag-chat
at pakikipag-video call.
Ang mga salitang ito ay palasak na maririnig sa mga usapan at mababasa sa
mga palitan ng mensahe sa chat at sa mismong paggamit ng social media. Bagamat
ang mga terminolohiya rito ay pawang nagmula sa wikang English, nagkaroon na ito ng
mga natatanging kahulugang operasyonal. Sa ganang ito, hindi magagamit ang isa sa
tuntunin sa panghihiram na initakda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na
paggamit ng leksikon ng sariling wika (De Leon, w.p.) dahil karamihan ay teknikal na
salita at mahirap tumbasan. Kung may mahanap man ay yaong katumbas ng orihinal na
kahulugan sa English, hindi sa kung paano ito eksaktong ginagamit sa social media.
Idinagdag nina Slim at Hafedh (w.p) na sinusundan ng posibilidad na ang
paggamit ng social media, sa kasalukuyan, ay makatulong sa mga gumagamit sa
lingwistikong aspekto, maaaring sa mga estudyante o mga guro sapagkat ang mga
interaksyon sa media ay maaaring nagaganap sa loob ng konteksto ng iisang wika o
yaong magkakaiba-ibang lingwistikang konteksto. Binanggit pa nila Slim at Hafedh (w.p)
sa kanilang pag-aaral ang sinabi nina Derakshan and Hasanabbasi (2015) na
naktutulong ang facebook sa pagpapaunlad ng kasananang pangkomunikasyon at
pangwika ng mga mag-aaral.
Hindi maitatatwa na sa patuloy na paglakas ng impluwensya ng social media sa
lipunan, nagiging palasak din ang panghihiram ng mga salita mula sa wikang English
na kadalasang ginagamit sa mga berbal na diskurso. Naging bahagi na ng pang-araw-
araw na pamumuhay ang paggamit ng social media, dahilan upang maging bahagi na
rin ng bokabularyo ng mga Pilipino ang mga hiram na salita rito.
Sa pag-aaral ni Bahuman (2015), ipinakita ng resulta na ang mga loanword ay
nagsisilbing tagapuno ng mga leksikal na puwang sa mga diyalekto. Sa tuwing
ginagamit ang mga salita na salita sa social media, karamihan sa mga Pilipino ay
hinihiram ito nang buo at dinaragdagan na lamang ng mga panlapi depende sa
pangangailangan sa diskurso sa wikang Filipino.
Kapag ang salita ay hiniram mula sa ibang wika, ang mga salitang ito ay
sumasailalim ng morpolohikal at ponolohikal na adaptasyon sang-ayon sa tunog at
morpolohiya ng tagatanggap na wika (Dashti, F & Dashti, A, 2017; Adler, 2006; La
Charite, 2005; Kenstowics, 2003; Davidson & Rolf, 1996). Idinagdag nina Dashti, F. at
Dashti, A. (2017) sa kanilang pag-aaral, marami ang hinihiram ng salita bagamat may
mga katumbas ito sa kanilang wika dahil higit na prestihiyoso ang dating nito.
Ayon kay Myer-Scotton (Binanggit ni Cantular, w.p.) ang adaptasyon ay tumutukoy sa
isang penomenon o proseso kung saan ang isang elemento ng isang wika ay ginagamit
ng isa pang wika. Ayon naman kay Karuru (2013), ipinapakita ng adaptasyon na sa
prosesong ito, ang kadalian sa artikulasyon ay natatamo ng mga tagapagtagsalita ng
tagatanggap na wika at natutulungan silang makipag-usap sa paraang katanggap-
tanggap sa kanilang wika. Dagdag pa ni Dela Cerna (n.d.), sa talino at galing humanap
ng paraan ng mga tao, naibabagay nila ang kanilang wika sa pagbabago ng kapaligiran
at pangangailangang tumutugon sa hamon ng modernisasyon. Ang morpolohikal na
pagbabago ay ginagamit bilang isang pagsubok ng iba’t ibang teorya ng mga kalikasan
at arketiktura ng balarila ng likas na wika; upang tagunan ng padron kung saan ang
pagbabagong morpolohikal ay wastong mabibigyang kahulugan at paliwanag. (Booij,
2014)
Binanggit nina Dashti, F. at Dashti, A. (2017) na ilan sa kanilang mga
nakapanayam ang naniniwalang ang paggamit ng mga loanword mula sa sa social
media, bagamat ay hinihiram nila nang naaayon sa ponolohikal at morpolohikal na
sistema ng kanilang wika, ay nakatutulong upang madagdagan ang kanilang leksikon.
Sang-ayon kay Bowerman (2006) sa Language Adaptation and Modernization, kinikilala
ang adaptasyong ng wika bilang isang pagbabagong linggwistik na maaaring manaka-
naka o tuloy-tuloy na ang tunguhin ay ang makaangkop sa pagbabago o nagbabagong
pangangailangan ng komunidad.
Ang konseptong papel na ito ay nakaangkla sa Language Apaptation Theory
(LAD) ni Verscheuren (binanggit ni Du, 2016). Nakasaad sa teoryang ito na ang gamit
ng wika ay ang dinamikong proseso ng pagpili ng wika upang makasabay sa
pangangailangang komunikatibo. Ang adaptasyon ay maaaring mangyari sa sa iba’t
ibang antas ng lingwistika mula sa ponolohiya, mga salita at sintaksis (Chang,
Janciauskas, & Fitz, 2012). Tinungkusan ni Assaqaf (2013) sa kanyang pag-aaral na
ang adaptasyon ay isang uri ng pagsasalin. Para kay shi (2003), ang pagsasalin ay
hindi lingwistikong kumbersyon o transpormasyon sa pagitan ng mga wika subalit ito ay
kinasasangkutan ng akomodasyong sumasaklaw sa kultura, politika, aestetiko, at iba
pang salik.
Pangunahing tuon ng konseptong papel na ito na ipakita kung paano iniangkop
ng mga Pilipino ang mga salitang hiram sa social media sa morpolohiyang Filipino.
Binibigyang-halaga nito ang kamalayang morpolohikal tungo sa pagkakaunawaan sa
berbal na diskurso. Ayon kina Kuo at Anderson (binanggit ni Farsi, 2008), ang
kamalayang morpolohikal ay ang kakayahang gamitin ang kaalaman sa mga tuntunin
sa kayarian ng mga salita at pagtatambal sa pagitan ng mga tunog at kahulugan.
Idinagdag pa ni Farsi (2008), ang tumataas na interes sa pag-aaral ng kamalayang
morpolohikal ay krusyal na dimension ng kaalaman sa bokabularyo lalong-lalo na sa
pagbabasa.
Ang komunikasyon online ay tila tuntunangang pumapagitna sa pagitan ng mga
sinasalitang wika at yaong pasulat (Dashti, 2017). Nagkakaroon ng suliranin sa kung
anong tuntuning pangwika ang mananaig sa panghihiram. Sa kalagayan ng
panghihiram ng mga salitang mula sa social media, pinapanatili ng mga Pilipino ang
orihinal na bigkas at baybay ng hiniram na morpema saka dinaragdagan ng salita
upang maparami at panlapi upang magamit ang salita sa iba’t ibang kahingian ng
sitwasyon.
Sa pag-aaral naman nina Oh at Kim (2012) tungkol sa adaptasyon ng hulaping
English sa wikang Koreano, nabanggit na nagaganap ang paglalapi sa pagpaparami ng
morpema. Taliwas sa direksyon ng adaptasyon sa Filipino kung saan ang mga hiram
na salita ang siyang dinaragdagan hindi ng panlapi kundi ng salitang “mga” (hal: mga
post, mga picture) upang maparami ang morpema. Gayunpaman, hindi maitatangging
ang ilan ay nagkakaroon ng reinterpretasyong ang orihinal nang marami na mga
hiniram na salita ang siyang dapat na dinudugtungan ng “mga” (hal: mga posts, mga
pictures). Nagkakaroon ng pag-uulit sa kahulugang semantika dahil parehong
mekanismong morpolohikal sa English at Filipino ang inilapat. Sa pag-aaral ni Marle
(1998), nagkaroon din ng reinterpreasyon ang mga Dutch sa adaptasyon ng mga
salitang English. Ang mga hiram ng salitang hindi nagtataglay ng mekanismong Dutch
pagdating sa pagpaparami ng morpema, ay dinudugtungan pa ng mga panlapi kahit pa
ito ay orihinal nang nangangahulugang marami sa pinagkunang wika.
Sa paggamit ng social media, nagsasagawa ang mga Pilipino ng mga birtuwal na
kilos. Katulad ng pandiwa sa Filipino, nilalapian upang ganap na maipahiwatig ang
kahulugan, kaganapan at kaugnayan sa simuno ng pandiwa sa diskurso, inilalapat din
ang ganitong mekanismo sa mga salitang hiram (hal: nag-upload, magko-comment).
Ang pag-aaral ni Bahumaid (2015) ay nagsiwalat ng proseso ng pagsasapandiwa sa
lingwistik na adaptasyon. Ayon kina Fromkin at Rodman (Binanggit ni Karuru, 2013),
ang paglalapi ay isang proseso kug saan ang unlapi, gitlapi at hulapi ay idinugtong sa
iba pang morpema upang makabuo ng salita.
Batay sa tuntuning ng KWF, ang mga salitang may internasyunal na anyong
kinikilala ay pinapanatili ang baybay sa panghihiram katulad ng mga salita sa facebook.
Sa paglalapi sa mga hiram na salita ay sinusunod ang padrong unlapi, gitling at ang
salitang hiram. Sa pag-aaral ni Dela Cerna (w.p.), ipinakita sa resulta ang ganitong
morpolohikal na adaptasyon na mababasa sa mga pahayagan. Sa pagdadagdag ng
panlaping makadiwa na hinango sa mekanismong morpolohikal sa Filipino, umuusbong
ang ilang bersyon kung paano bibigkasin at babaybayin ang ilang nabuong pandiwang
nilapian katulad ng “in-upload”, “ini-upload”, “inupload” at ang “ni-upload”. Iniaangkop
ang pagsasapandiwa ng mga hiram na salita sa mekanismong morpolohikal sa Filipino.
Kung gayon, maaari bang itulad ang “ini-upload” at “in-upload” sa salitang “iniabot” na
naging “inabot”?
Nariyan din ang mga salitang “chinat”, “pinost”, “shinare” at iba pa. Gayunpaman,
sa kabila ng tuntuning inilatag sa pagbabaybay ng mga hiniram na salita, iba ang
namamayagpag na praktika sa sosyolinggwistik na aspekto lalo na sa berbal na
diskurso na nagbubunsod sa kalituhan at nakakaapekto sa diskursong pasalita at
pasulat. Dito na papasok ang pagpapasyang pangwika na tinutungkusan sa Language
Adaptation Theory (LAD) ni Verscheuren. Ang tao ang pipili ng mga salita at magpo-
proseso ng mga ito upang makaagapay sa patuloy niyang nagbabagong
pangangailangan sa pakikipagkomunikasyon sa gitna nang patuloy na nagbabagong
lipunan.
Pangunahing mga tanong sa Pananaliksik:
Layunin ng konseptong papel na ito na masagot ang sumusunod:
1. Ano-anong tuntuning pangwika sa Filipino ang inilapat ng mga mag-aaral sa
morpolohikal na adaptasyon ng mga terminilohohiya sa social media?
a. Pagpaparami ng morpema
b. Paglalaping makadiwa
2. Ano ang ugnayan ng morpolohikal na adaptasyon sa panghihiram ng mga
salitang English sa berbal na diskurso ng mga mag-aaral at paggamit ng Social
Media ?
3. Ano-ano ang rekomendasyon upang maging istandardisado ang mga produkto
ng morpolohikal na adaptasyon ng mga salitang mula sa social media?
Gap na nais punan
Sa paglipas ng panahon, marami nang nabago, naidagdag, inalis at isinaayos sa
patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino. Sumasabay ito sa takbuhin ng lipunan.
Ayon kay Dela Cerna (w.p.), ang panghihiram ng mga salita ay nagpapatunay na
laganap ang modernisasyon ng pambansang wika bunga ng katotohanang lubos na
itong naapektuhan ng mga banyagang wika, partikular na ng English, at Kastila na
bahagi na ng kulturang Pilipino. Nagpapatunay ito na buhay at dinamiko ang wikang
Filipino. Umaaangkop ito sa panahon, patuloy na umuunlad, nagbabago at yumayaman
upang makatugon sa mga nagbabagong kalikasan at pangangailangan ng mga
Pilipinong gumagamit nito.
Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang makapagbigay ng malinaw na
imahen ng nagaganap na interaksyon sa pagitan ng wika sa social media at wikang
Filipino sa pamamagitan ng proseso ng adaptasyon na kailangang mabigyang tuon. Ito
ay tungo sa lubos na pag-unawa sa isa sa penomenong pangwika - ang adaptasyon
bilang tuntungan sa pagbuo ng malinaw, istandardisadong tuntuning pangwika sa
panghihiram sa pagtugon sa kahingian ng panahon at lipunan para sa lalong
ikayayabong ng wikang Filipino.
Disenyo ng Pananaliksik, Metodo at Kagamitan
Ang pag-aaral na ito ay gagamit ng kwalitatibong disenyo na sinkronikong
pananaliksik. Ayon kay Nordquist (2019), ang sinkronikong pananaliksik sa wika ay ang
pag-aaral ng isang wika sa isang partikular na panahon sa paraang deskriptibo,
pagsusuri kung paano ang isang bahagi ng wika o ang balarila ay nagkakaugnay.
Gagamitin ang pagsusuring corpus sa mga makakalap na salitang dumaan sa
morpolohikal na adaptasyon at deskriptibong pagsusuri ng datos sa sarbey hinggil sa
epekto ng morpolohikal na adaptasyon ng mga salita sa social media sa diskursong
berbal. Isasagawa ang pakikipanayam sa mga target na tagatugon bilang paraan ng
pangangalap ng mga salitang hiniram at iniangkop sa pangangailangan sa diskurso at
pamumudbod ng talatanungan para sa sarbey.
Ang sumusunod ay ang mga kinakailangang kagamitan sa pangangalap ng
datos.
Gabay sa pakikipanayam. Ito ay naglalaman ng mga salita mula sa facebook
application at mga nakasulat na sitwasyon kung kailan gagamitin ang mga ito sa
diskursong Filipino sa
pakikipanayam. Layunin nitong matungkusan kung paano ipo-proseso ng mga
tagatugon ang panghihiram sa mga salitang itong na naaangkop sa sitwasyong
ibinigay.
Talatanungan. ito ay naglalaman ng mga tanong tungkol sa epekto ng morpolohikal na
adaptasyon sa diskursong pasulat sa Filipino ayon sa ibinigay ng mga aspekto.
Mga kaugnay na sanggunian:
Asadzadeh, M. (2012). Adaptation in translation. Nakuha noong Agosto 26, 2022 mula sa
https://multilingual.com/articles/adaptation-in-translation/
Assaqaf, T.A.E. (2013). Adaptation as a Means of Translation. International Journal of
Science Research (IJSR), 5(1), 2319-706. Nakuha noong Agosto 25, 2022 mula
sa https://www.ijsr.net/archive/v5i81160
Bahumaid, S. (2015). Lexical borrowing: The case of English loanwords in Hadhrami
Arabic. International Journal of Language and Linguistics, 2(6), December 2015.
Nakuha noong Agosto 23, 2022 mula sa
https://ijllnet.com/journal/index/223
Booij. G. (2014) Morphological Change. Nakuha noong Agosto 27, 2022 mula sa
https://www.oxfordbibliographies.com/view/document/obo-9780199772810/obo-
9780199772810-0180.xml
Bowerman, S. (2006). Language adaptation and modernization. Research Gate.
Nakuha noong Agosto 26, 2022 DOI:10.1016/B0-08-044854-2/01287-6
Cantular, F. (w.p.). Morphological borrowing: A linguistic ethnographic study of Cagaya-
non Sebuano verb affix adaptation. Kinaadman, Vol.18, 6. Nakuha noong
Agosto 27, 20222 mula sa https://www.xu.edu. ph/images/
kinaadman_journal/doc/Morphology_by_Cantular. pdf
Chang, F., Janciauskas, M., & Fitz, H. (2012). Language adaptation and learning:
Getting explicit about implicit learning. Wiley Online Library, 6(5), 259-278. Nakua
noong Agosto 25, 2022 mula sa https://doi.org/10.1002/lnc3.337
Dashti, F. & Dashti, A. (2017). Morphological adaptation of English loanwords in Twitter:
educational implications. International Journal of Higher Education, Vol. 6, No.
3. Nakuha noong Marso 23, 2021 mula sa doi:10.5430/
Dela Cerna, M.A. (w.p.). Umiiral na rehistro ng Filipino sa mga pahayagang Filipino:
Gabay sa pagbuo ng ilang alituntunin sa pagbabaybay ng mga hiram na
salita. Nakuha noong Marso 21, 2021 mula sa https://scientia-sanbeda.org>2017/07pdf
De Leon, E. (w.p.). Introduksiyon sa pagsasalin sa wikang Filipino. PPT. Nakuha noong
Marso 28, 2021 mula sa from kwf.gov.ph
Du, Y. (2016). The adaptation approach to college foreign language teaching. 2nd
International Conference on Education Technology, Management and
Humanities Science (ETMHS 2016). Nakuha noong Marso 28, 2021 mula sa
https://www.atlantis-press.com/article/25849214.pdf
Farsi, B. (2008). Morphological Awareness and Its Relationship to Vocabulary
Knowledge and Morphological Complexity among Omani EFL University Students.
Dissertation. Unpublished. Nakuha noong Marso 21, 2021 mula sa
https://www.asian-efl-journal.com/Thesis/Thesis-Al-Farsi.pdf
Iqbal, M. (2021). Facebook revenue and usage statistics (2021). Business of Apps.
Nakuha noong Marso 23, 2021 mula sa
https://www.businessofapps.com/data/facebook-statistic
Karuru, D. (2013). Borrowing and communication in language: The impact of
morphological adaptation processes. International Journal of Education
and Research, Vol. 1 No. 9. Nakuha noong Marso 21, 2021 mula sa
https://www.ijern.com/journal/September-2013/33.pdF
Marle J. (1993) Morphological adaptation. In: Booij G., Van Marle J. (eds) Yearbook
of Morphology 1993. Yearbook of Morphology. Springer, Dordrecht.
Nakuha noong Marso 18, 2021 mula sa https://doi.org/10.1007/978-94-
017-3712-8_8
Nordquist, R. (2019). Defining synchronic linguistics. ThoughtCo. Nakuha noong Marso
21, 2021 mula sa https://www.thoughtco.com/synchronic-linguistics-1692015
Oh, M. & Kim, S. (2012). Morphological effects in loanword adaptation: Adaptation of
the English plural suffix into Korean. Linguistic Research, 29(2), 299-314.
Nakuha noong Marso 21, 2021 mula sa
https://doi.org/10.17250/khisli.29.2.201208.002
Rogers, J. (2019). "The use of social media and its impact for research," BioRes. 14(3), 5022-
5024. NC State University. Nakuha noong Agosto 27, 2022 mula sa
https://bioresources.cnr.ncsu.edu/resources/the-use-of-social-media-and-
its- impact-for-research/
Shakya, H. & Christakis, N. (2017). A new, more rigorous study confirms: The more you
use Facebook, the worse you feel. Harvard Business Review. Nakuha noong
Marso 24, 2021 mula sa https://hbr.org/2017/04/a-new-more-rigorous-study-
confirms-the-more-you-use-facebook-the-worse-you-feel?tpcc=orgsocial_ed
Shi, A. (2003) Accommodation in Translation. Shanxi, China. TranslationDirectory.com.
Nakuha noong Agosto 27, 2022 mula sa https://www.translationdirectory.com
/article122.ht
Slim, H. & Hafedh, M. (w.p) Social Media Impact On Language Learning For Specific Purposes:
A Study In English For Business Administration. Nakuha noong Agosto 28, 2022
mula sa https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ1204643.pdf#:~:text=While%20certain%
20researchers%20and%20educators%20lament%20the%20scarcity,and%20therefore
%20do%20not%20necessitate%20high%20intellectual%20aptitude.
GERALDINE A. BALANA
MFIL