Pumunta sa nilalaman

Artemisia vulgaris

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Artemisia vulgaris
(karaniwang damong-maria)
Klasipikasyong pang-agham edit
Kaharian: Plantae
Klado: Tracheophytes
Klado: Angiosperms
Klado: Eudicots
Klado: Asterids
Orden: Asterales
Pamilya: Asteraceae
Sari: Artemisia
Espesye:
A. vulgaris
Pangalang binomial
Artemisia vulgaris

Ang Artemisia vulgaris (Ingles: St. John's plant, "halaman ni San Juan", mugwort, common wormwood o karaniwang damong-maria, Cingulum Sancti Johannis, St. John's wort[1] [natatawag ding ganito pero may kamalian sapagkat may tunay na St. John's wort na mababasa sa teksto sa ibaba], felon herb) ay isa sa ilang mga uring nasa saring Artemisia (mga artemisya) na tinatawag na mga damong-maria. Sa Ingles, kalimitang naglalaman ang mga pangkaraniwang pangalan nito ng salitang mugwort. Tinatawag din itong felon herb, chrysanthemum weed, wild wormweed, o St. John's plant (na hindi dapat ikalito sa tunay na St. John's wort o "damong-maria ni San Juan", ang Hypericum perforatum). Katutubo ito sa mga may katatamtamang klimang mga pook sa Europa, Asya, at Hilagang Aprika, ngunit mayroon din sa Hilagang Amerika kung saan isa itong mananalakay na mga damo (hindi likas sa lugar). Napakakaraniwan nito sa mga lupang mayaman sa nitroheno, katulad ng mga madamo at hindi naaalagaan o masukal na mga lugar, katulad ng mga mabasurang pook at mga tabing-daan. Tinatawag din itong damong maria at kamaria.[1]

Isang itong mataas na yerba at pereniyal na halamang lumalaki hanggang mga 1 hanggang 2 metro (madalang na umabot sa 2.5 m) ang taas, na may makahoy na mga ugat. May habang 5 hanggang 20 sentimetro ang mga dahon, na maitim ang pagkalunti, kahawig ng pakpak ng mga ibon (pinnate o pennate sa Ingles), at balahibuhin o mabuhok sa bandang ilalim. May pagkapulang-purpura ang nakatayong tangkay. Magkakahawig ang kabilugan ng maliliit nitong mga bulaklak (5 milimetro ang haba) na may maraming mga dilaw o madilim ang pagkapulang mga talulot. Makitid, marami, at nakakalat ang bilang ng mga ulo ng bulaklak nito. Namumulaklak ito mula Hulyo hanggang Setyembre.

Maraming bilang ng mga ulyabid na Lepidoptera (mga paru-paro at mga gamu-gamo) ang nanginginain ng mga buto at bulaklak ng damong-mariang ito.

Kabilang ito sa pamilyang Asteraceae (dating Compositae [bigkas: /kom-po-si-tey/] sa agham, o Composite [bigkas: /kom-po-sit/] sa Ingles).

Bilang mga gamot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kasama ang Artemisia absinthium, isa pang damong-maria, pinahahalagahan ang Artemisia vulgaris sa Silanganin at Kanluraning bahagi ng mundo. Ayon sa mga Angglo-Sakson, kabilang ang A. vulgaris sa isa sa mga tinatawag na "siyam na banal na damong-gamot" na ibinigay sa mundo ng diyos na si Woden. Itinatanim din ng mga sinaunang Romano ang A. vulgaris sa mga tabing-daan, naglalagay ng mga sapang (maliliit na sanga o usbong) sa kanilang mga sandalyas para maiwasan ang pananakit ng mga paa kung malayo ang kanilang mga lakbayin. Kapwa mapait ang lasa ng mga A. vulgaris at A. absinthium ngunit mainam para sa mga karamdamang pangdaanan ng pagkain (tiyan at bituka), at maging sa pagpapapainam ng pagdumi. Kaya ginagamit din itong sangkap sa mga mapapait ngunit pampaganang mga alak, na iniinom bago kumain (tinatawag na mga aperitif sa Ingles (aperitip) at vermouth o bermut ang isang halimbawa ng alak na ito).[2]

Isang mahinahon at banayad na nerbina (gamot na pang-sistemang nerbiyos) ang A. vulgaris at tagapagpabuti ng regla ng babae. Bukod sa pagiging mapait na gamot para sa mga suliranin ng tiyan at mga bituka, mainam din ito para sa mga lagnat at pagkakaroon ng ginaw. Sa Asya, tinatawag itong ai ye (sa wikang Intsik), at sinusunog ang tangkay o patpat nito habang nasa dulo ng mga karayom na pang-akupunktura (tinatawag na moksibustiyon ang prosesong ito) para maalis ang mga "lamig" at "pamamasa" ng katawan ng tao.[2]

Sa Pilipinas, ayon sa kompanyang Mercury Drug, ginagamit bilang yerba o damong-gamot ang Artemisia vulgaris, partikular na ang mga dahon at mga namumulaklak na tuktok, na mainam sa mga neyurosis sa pagreregla ng babae, pagiging lubhang masigla ng mga bahagi ng katawan na kaugnay ng pagreregla, at sa neuralhiya. Nakakatulong din ito sa mga sugat at pibrositis, sa pagpapainam ng pagdaloy ng ihi, at nakakatanggal ng mga pulikat na kaakibat ng pagreregla. Nagagamit din ito bilang isang gamot na homeopatiko, isang alternatibong medisina.[1]

Bukod sa mga langis na madaling sumingaw, naglalaman ang halamang ito ng mga deribatibo o hinangong mga antrakinon (tulad ng sudohiperisin at hiperisin), mga plabonoid, mga penol, tanin, mga asido, mga karotenoid, pektin, mga alkohol, mga hidrokarbon, mga kolina, mga nikotinamayd, at mga isterol.[1]

Kontra-indikasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hindi ginagamit ang Artemisia vulgaris kung may iniinom na gamot na panlaban sa depresyon ang isang pasyente, partikular na ang naglalaman ng mga pamigil ng mga monoamine oxidase (monoamine oxidase inhibitor, o mga MAOI). Maaari rin itong makapagdulot ng alerdyi. Ipinagbabawal din ang paggamit sa panahon ng pagbubuntis ng isang babae, maging sa panahon ng pagpapasuso ng sanggol, at kung may labis na pagbilad o pagkadarang sa sinag ng araw, ilaw na pampaitim ng balat o mga napagkukuhanan ng mga liwanag na ultralila (ultrabiyoleta).[1]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Artemisia vulgaris[patay na link], Complementary Herbals, Health Guide, MercuryDrug.com - paunawa: Sa sangguniang ito, tinatawag na St. John's wort ang Artemisia vulgaris, ngunit isa itong maling katawagan sapagkat ang tunay na St. John's wort ay ang Hypericum perforatum.
  2. 2.0 2.1 Ody, Penelope (1993). "Artemisia absinthium and A. vulgaris, wormwood and mugwort". The Complete Medicinal Herbal. DK Publishing, Inc.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 39, magkasama sa isang pahina ngunit magkahiwalay ang paglalarawan sa bawat uring ito ng mga Artemisia.