Wednesday, February 28, 2007

beating the red light


sa ibang salita, deadline. sa mga may transaksyon na may kinalaman sa pagbabayad, cut-off ang malimit itawag dito at sa mga mahilig naman sa basketbol, mas kilala ito sa katawagang buzzer-beater.
bakit ba karamihan ng Pinoy eh napakahilig maghabol ng itinakdang huling araw, huling oras, at huling minuto ng pagsasagawa ng anumang bagay na dapat niyang gawin? sa bahagi ng nagpo-proseso nito, nakakapagod kase. una akong naging mapunahin sa deadline nung magtrabaho ako sa banko. Yun kaseng branch na pinapasukan ko eh tumatanggap ng bayarin para sa BIR kaya isipin mo ang pila sa harapan ko tuwing deadline ng bayaran: tinalo pa ang haba ng pila ng mga tumataya sa lotto. at yung iba, cheke pa ang ibinabayad. mas maaga ang cut-off nun kumpara sa cash payment kase may clearing pa. ilang kliyente na rin ang "inaway" ko sa pagbabayad ng income tax return, hindi dahil nagbabayad sila pag cut-off kundi dahil sa katigasan ng ulo nila na ipagpaliban ang tamang gabay sa pagbabayad. "Paiwan na lang ha. Babalikan ko mamaya," habang ang maraming kliyente ay nakapila nang matagal at halos mamuti na ang mata sa kakahintay ng kanilang pagkakataong makabayad. "Hindi na po pwede ang mag-iwan dito ng ITR. Kung ayaw nyo pong maghintay ay bumalik kayo bukas, may penalty na dahil ngayon ang cut-off nyan," ang hindi nakakaaliw na tugon ko. Madala kapag ganitong cut-off, alas-4 hanggang alas-5 ako kung manghalian (wow, hindi ko ito nami-miss, pramis!)

Paglipat ko ng trabaho sa isang telecommunications company, ganun din. pahabaan pa rin ang pila ng pagbabayad ng cell phone bill kapag cut-off. pero hindi ko ito gaanong naramdaman dahil hindi ako humahawak ng kaha nung mga panahong iyon. Ngayon, nasa negosyo kami ng pagpapalaganap ng family planning. akala ko wala na akong sasagupaing mga deadlines at cut-offs pero heto. araw ngayon ng cut-off para sa pagpasok ng mga orders sa buwang ito. sa kanilang (distributors namin) termino, deadline ngayon ng pagpapasa ng orders. at syempre gaya ng inaasahan, ngayon bumubuhos ang orders. karaniwan sa ganitong araw ay humihingi kami ng extension para hindi maging buzzer-beater ang pagre-request namin ng order sa aming principal supplier. as usual, ibinibigay naman ang konsiderasyon so we can beat the red light at makaabante sa month target. hay, nakakapagod. pwede namang tapusin ang mga dapat tapusin nang maaga. abutin ang target nang hindi na aabutin ng huling araw ng buwan, at maging payapa ang takbo ng mga araw, deadline man o hindi.

No comments:

Post a Comment

Related Posts with Thumbnails